‘Di naman Setyembre ngayon pero naalala kong bigla si Renato Constantino. Naalala ko rin na ayos lang kahit na may suot akong sambalilo sa loob ng silid-aralan. Dati ay binibilang ko pa kung gaano katagal bago marating ni Ma’am Lina ang ikalawang palapag mula sa unang baitang ng hagdanan. Sa klase niya, sa huling hanay ng mga upuan, bandang dulong kanan malayo sa pinto ako madalas nakapuwesto, sapagkat nakakanakaw ako ng tulog doon. Nasaan na kaya si Maurice? Pari na kaya si Gerry? Pulis na kaya si Ian? Hindi ko rin pati gusto ‘yong pakiramdam na dulot ng biglang pagsagi sa aking isipan ng pangalan ng isang tao, na kung makakatagpo kong muli, ay malamang na maguguluhan sapagkat ‘di niya ako maaalala.